Gabay · Ipon
Ipon Challenge 2027: libreng printable at paano magsimula
Bagong taon, bagong ipon. Pumili ng challenge na kaya ng sweldo mo, mag-print ng sariling chart, at kulayan ang isang kahon tuwing nag-iipon ka. Narito kung paano pumili at paano ito tatagal hanggang Disyembre.
1. Pumili ng challenge
52-week challenge
Mag-ipon ng numero ng linggo na minu-multiply sa panimulang halaga. Kung ₱20 ang simula: ₱20 sa unang linggo, ₱40 sa ikalawa, hanggang ₱1,040 sa ika-52. Ganito ang kabuuan:
| Panimula (linggo 1) | Linggo 52 | Kabuuan sa isang taon |
|---|---|---|
| ₱10 | ₱520 | ₱13,780 |
| ₱20 | ₱1,040 | ₱27,560 |
| ₱50 | ₱2,600 | ₱68,900 |
| ₱100 | ₱5,200 | ₱137,800 |
Tip: mas mabigat ang Nobyembre at Disyembre, kung kailan pinakamagastos. Piliin ang “Big first” sa generator para nauuna ang malalaking halaga habang mataas pa ang sipag mo sa Enero.
Bills grid
Pumili ng goal, halimbawa ₱10,000, at gagawa ang generator ng mga kahon na may halagang parang perang papel: ₱20, ₱50, ₱100, ₱200, ₱500. Mag-ipon ng kahit magkano sa araw na iyon at kulayan ang kahong tugma. Bagay ito kung pabago-bago ang kita mo.
Sarili mong halaga
I-ayon sa sweldo mo, halimbawa sampung kahon ng ₱500 tuwing kinsenas at katapusan. Mas madaling tuparin ang challenge na swak sa cash flow mo.
2. Lagyan ng dahilan ang goal
Mas tumatagal ang ipon na may pangalan: emergency fund, matrikula, biyahe, bagong phone na hindi hulugan. Isulat ito sa title ng chart mo, gaya ng “Emergency Fund 2027”. Kapag natutukso kang kumuha, makikita mo kung para saan talaga ito.
3. I-print ang chart
Buksan ang ipon challenge printable generator, piliin ang challenge, ang currency at ang corgi o pusa, saka pindutin ang Print or save as PDF. Idikit ito kung saan mo makikita araw-araw: sa ref, sa salamin, sa tabi ng alkansya.
4. Pumili ng ipon day
Gawing ipon day ang mismong araw ng sweldo, para nauuna ang ipon bago ang gastos. Kung lingguhan, pumili ng isang araw at manatili roon. Fun fact: Biyernes ang Enero 1, 2027 at ang Disyembre 31, 2027, kaya may 53 na Biyernes sa 2027. Kung Biyernes ang ipon day mo, may bonus na linggo ka.
5. Ihiwalay ang pera
Ilagay ang ipon sa lugar na hindi mo basta magagalaw: alkansyang kailangang basagin, o hiwalay na savings account o wallet na hindi mo ginagamit sa pang-araw-araw. Ang perang nakahalo sa pang-gastos ay kadalasang nagagastos.
6. Magtakda ng patakaran sa paghabol
May linggong hindi kakayanin, at ayos lang iyon. Magdesisyon na ngayon kung paano hahabol: hatiin ang kulang sa susunod na apat na linggo, o kulayan ang mas maliit na kahon muna. Ang mahalaga, hindi ka titigil dahil lang may isang linggong nalaktawan.
7. I-track at magdiwang
Kulayan agad ang kahon pagkatapos mag-ipon. Magdiwang sa bawat quarter ng chart, sa maliit at libreng paraan. Kung gusto mong makita ang progreso sa phone, gumawa ng savings goal sa Boop at i-log doon ang bawat ipon.
Ipon ay ipon. Huwag itong gawing pang-utang sa sarili. Kung kailangan mo talagang kunin, palitan muna bago ituloy ang chart.
Isinulat ni Zeus Olivar, ang developer ng Boop. Pangkalahatang impormasyon ito, hindi financial advice.